Tuesday, July 30, 2013

Mekeni Mekeni

Minsan kong narating ang lugar ng mga Mekeni..Kung saan ang lahat yata ng salita ay nagsisimula sa letrang "H" -- handoon, hasaan, hano na, haba, hewan ko..

Sa haba ng yahe, nagutom ako at nakita ang restawran na ito. Ayon sa dala kong mapa, sa kainan daw na ito ay mga pagkaing kakaiba. 



Pinasok ko, at ako'y nagulat sa aking nakita..
JOke lang, di naman talaga ako nagulat.

Kakaiba nga naman ang mga ulam nila. Tulad ng isang to, PALAKA. 


at ito pa..KULIGLIG..ito yung maiingay na nilalang na naririnig natin sa gabi, pero di natin makita..Aba e, dito ko lang pala makakadupang palad ang insektong ito, yun lang, nakatakda ko na syang kainin..


Mas natuwa ako sa Kuligkilg kesa sa Palaka. Lasang Chicharong bulaklak ang kuliglig..Sarap talaga lalo't sinsawsaw sa suka. Bawat kagat, napakalutong ng tunog..Bawat nguya ay tila ba nangungutya ang kaluluwa ng kuliglig at nagsasabing "insekto ako , insekto ako, pati ako, kinakain mo, ang lupit mo, ang lupit mo"
Ngunit wala akong magagawa..this is the cylce of life ya know, kailangan may kumain sa insekto para di kayo masyadong dumami.

Ang palaka, ayus lang. Kasi naman, "Stuffed Palaka" na ito, na may palamang giniling na baka sa loob. Kumbaga e, ang parte na lang ng palaka na makakain mo ay ang mga binti nito..Lasang manok, mas masarap pa nga..Kaso, mukang mahilig tumalon ang palakang ito, kaya payat ang binti, hayun, bitin ako.

Sa ganang akin e, masarap din na tambayan ang kainang ito ng mga mekeni. Pero 'wag ka, di kamurahan ang palaka at kuliglig..Kaya sa palagay ko, sa susunod, manghuhuli na lang ako ng kuliglig sa labas ng bahay namin...

Ako si Chumembulin, at ito ang Adventure ko!

Tuesday, July 16, 2013

Pader

Nung linggo, nagsimba ako. Gustung guto ko talagang makinig kay father pero may dalawang langgam na papansin na pumukaw ng atensyon ko.

Kitang kita ko ang isang langgam na itim at langgan na pula na palakad lakad sa pader ng simbahan. Kung kalian naman kasi homily na, saka pa nagpapansin ang dalawang ito. O baka naman, hindi sila nagpapapansin, sadyang hindi lang yata ako nakikinig sa misa. Ah, hindi, sigurado ako, gusto kong makinig, pero papansin talaga ang dalawang langgam. Habang pinagmamasdan ko ang 2 langgam, nalaman ko na mas mabilis palang kumilos ang langgam na itim kesa sa langgam na pula. Ang listo listo ng langgam na itim, nakailang balik balik na sya sa taas at baba ng pader, pero si langgam na pula, nangangalahati pa lang. Nasisp ko tuloy, sabi nila masisipag daw ang langgam dahil ‘they save for the rainy days’ daw.

Pero, puede bang tama dang langgam na pula at masipag ang langgam na itim?

Hindi ko maalala kung ang reyna ng mga langgam ay pula. Kung pula ang reyna ng mga langgam, puede bang nag uutos lang ang langgam na pula at ang utusan ay ang mga langgam na itim?



Kaya ba nangangagat ang langgam na pula ay dahil matapobre sila?


Bakit sabi saken noon, pag itim ay masama, pero bakit langgam na pula ang mukhang sadyang masama dahil nangangagat sila?

Maaari bang mapagbalatkayo ang langgam na pula?


Bakit hindi nagrereklamo ang langgam na itim kung inaapi sila ng mapagbalatkayong langgam na pula?
Tsk tsk tsk. Napakaraming tanong ang nabuo sa isip ko, gulung gulo na ako. Bakit kailangang magulo ng ganito ang isip ko gayung ang nais ko lang naman ay making kay father?

Sinasabi ko na nga ba, hindi magandang umupo sa gulid ng simbahan kung saan nandoon ang pader na na pinamamahayan ng dalawang papansin na langgam.

“Sa ngalan ng Ama, Anak, at Espitu Santo”… Amen..”Tapos na ang misa, humayo kayo ng mapayapa”
Ayun, kahit papano, may napakinggan ako..



Ako si Chumembulin at ito ang Adventure ko

Tuesday, July 9, 2013

Hangin

Kinokontrol ng utak ang lagusan, “wag kang bubukas”. Masunurin ang lagusan sa utak, ngunit sadyang mapanubok ang hanging nag-uumalpas upang magkaroon ng kalayaan. Ginagawa ng hangin ang lahat ng paraan upang makaalpas ito at sadyang sinisubok ang lakas at katatagan ng lagusan. “Kailangan kong makalabas” sabi ng hangin. “Hindi maaari, huwag dito, huwag dito” sagot ng lagusan. Nagmamatigas din ang utak, ayaw pagbigyan ang hangin, ngunit tulad ng tubig, kahit anong pagpipigil, nakakagawa ito ng paraan upang dumaloy. Maya maya pa’y wala nang nagawa ang lagusan maging ang utak, ang nag uumalpas na hangin ay nakakawala sa tubong kanyang dinadaluyan, bumukas ang lagusan at tuluyang bumaho sa MRT.

E anong, magagawa ko, hindi ko naman talaga gusting mautot sa MRT. Ayoko naman talagang dito ilabas ang masamamng hangin na to, pero anong magagawa ko. Baka sa sobrang kapipigil ko e bumalik pa sa tyan ko at sa bibig ko pa mailabas, e di mas lalong mahirap naman yon.

Imaginine nyo na sa loob ng siksikang tren na ito, lumabas ang di kaiga-igayang hangin na sinusukol ko. 
(wag nyo kong hanapin jan, di nyo ko makikita dahil ako ang naglilitrato, duh) 

Siempre, patay malisya ako. Kitang kita ko kung paano nagtakip ng ilog ang babae sa tabi ko, pero, pasensya na Miss, di ko sinasadya. At siempre, wala nang aminan to, nang magtakip sya ng ilong, nakitakip na din ako..isang senyales na sinasabing, o, hindi ako yon, baka yung isang katabi natin. Bahala na kung maniwala sya o hindi.

O, huwag masyadong magmalinis, aminin nyo man o hinde, sigurado ko na minsan nyo na ring pinaalpas ang hangin nyo sa loob ng MRT at nanahimik na parang walang nangyari..yon e, kung matahimik nyong nagawa ang maitim na gawaing ito. Isa lang naman ang sikreto jan, basta walang tunog, paglabas ng hangin, wag na wag kang titingin sa katabi mo o sa katapat mo, dahil pag nagkita kayo sa mata, siguradong ang laman ng utak nya, “Huli Ka Balbon”!



Ako si Chumembulin, at ito ang adventure ko!

Friday, July 5, 2013

Balahibong Pusa

Ang buhay ay punung-puno ng kung anu-anong drama, katatawanan, horror, at romansa  (tagalog ng romance, wag kung anu-ano iniisip). Walang sasay ang buhay kung walang iyak, tawa, takot, taas, baba, at chillax moments. Hindi ayos yung, pag tinannong ka, “O. kamusta naman” ang sagot mo lang e”ayos lang”. Para bang walang excitement ang mundo mo kung ang lagging sagot e, “ayos lang”. Puede naman kasing, 

“kamusta ka?”

“Eto, lugmok na lugmok sa kalungkutan dahil namatay ang aso kong si Patrasch na ipinangalan ko sa aso ni Nelo, dahil ibinigay sya saken nung pinapalabas pa ang Nelo sa Channel 2. Pero hindi tulad ng aso ni Nelo, nagtagal ang buhay nya at minahal ko sya ng sobra, pero ngayon, patay na sya. Namatay sya sa cancer of the bones at lunngkot na lungkot ako dahil hindi ko sya na ipa chemo.” 

Sabay “waaaaaaaa” 




Puede rin namang 

“Kamusta Ka” 

‘Eto, ang saya saya, e akalain mo ba naming sa wakas, natanggal din ang tinik sa lalamunan ko na 1 linngo ko ng iniinda nung nagluto ang asawa ko ng pritong bangus. Lumunok na ako ng 10 bilot na Special Japanese Rice, di natanggal. Kumain na ako ng 1 piging na saging, walang dating. Hanggang hiningi ko na ang tulong ng kaaway kong pusa para kamutin ang lalamunan ko, (dahil biglaan kong naalala na yun ang sabi saken ng nanay ko noong bata pa ako) maya maya pa, wala na ang tinik. Ngayon, katabi ko na sa pagtulog ang lintik na pusa”


    "Hindi yang pusang yan ang sinasabi ko"

                                          "hindi rin yan. pusa yan ng kapitabahay"

    "yan, yan sya..ang kaibigan kong pusa..ang nag alis ng tinik sa aking lalamunan"

O di ba, mas may asim ang buhay sa mga sagot na maraming palabok. Kumbaga, the more the merrier. Parang sinigang lang, mas maraming sampaloc, mas masarap, mas maraming gabi, mas malapot, mas nakakagutom.

Bakit ko sinasabi ang lahat ng ito? Wala lang, wala kasi akong maisip kung paano sisimulang ang kalokohan kong blog na ito, kaya naisip (so may naisip pala ako), na ito na lang.

Kaya dito nagsisimula ang adventure ko.


Ako si Chumembulin, at ito ang Adventure ko!!!